Gumagawa ng mga adjustment sina Ariel Rivera at Ina Raymundo ngayong malayo sa kanilang piling ang kani-kanilang mga anak, na nasa abroad para sa pag-aaral.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing anim na taon nang nananatili sa Canada ang mga anak nina Ariel at Gelli de Belen na sina Joaquin at Julio.

Narito naman sa Pilipinas sina Ariel at Gelli nagtatrabaho.

"One is graduating June 13 from college. So my wife surprised them, umalis siya last week. Ako naman papunta ru'n, June 12. The one graduating, he wants to be a sports doctor. Tapos 'yung isa, it's something with mathematics," kuwento ni Ariel.

Well-adjusted na raw sa buhay sa Canada sina Joaquin at Julio.

Gayunman, hindi pa rin maiwasan ni Ariel na ma-miss ang kaniyang mga anak.

"We are so fortunate, this generation now, you can communicate with them every day. Ngayon videos na, but at the same time iba pa rin 'yung physical na nandito sila to embrace them, to kiss them. So we make it a point to go to Canada," sabi ni Ariel, na mapapanood sa "The Fake Life."

Nasa abroad din para mag-aral ang panganay na anak ni Ina na si Erika, at susunod na rin sa kaniya ang only boy ng kanilang pamilya na si Jacob.

Kumuha ng kursong music si Erika sa Berklee College sa Boston, habang sa Xavier University naman papunta si Jacob kung saan isa siyang varsity baseball player.

"Dalawa na sa panganay ko ang iiwan kami, so malungkot na. Kumbaga nag-start na 'yung pagne-nesting. Buti na lang may FaceTime, buti na lang may Snapchat. So tambay kami ng Snapchat kaming family," ayon kay Ina.

"Si Jacob, siyempre my only son siya, 'yun ang medyo, hindi pa ako ready talagang maisip na in a few months nasa ibang bansa na siya," sabi ni Ina, na mapapanood naman sa upcoming episode ng "Tadhana." – Jamil Santos/RC, GMA News