Pumanaw na sa edad na 67 ang aktor na si Ray Liotta habang nasa Dominican Republic para sa ginagawa niyang bagong pelikula.
"We understand that he was accompanied by his (fiancee) and that the (fiancee) asks that you please respect her grief," ayon sa tagapagsalita ng Dominican Republic's General Direction of Cinema sa ulat ng Agence France-Presse.
Sinabi naman ng publicist ni Ray sa Los Angeles, na pumanaw ang aktor habang natutulog, "and that there were no suspicious circumstances."
May titulong "Dangerous Waters" ang pelikulang ginagawa ng aktor.
Kabilang sa mga markadong pelikula na ginawa ni Ray ay ang gangster classic na "Goodfellas," ni Martin Scorsese, bilang si mobster na si Henry Hill.
Kasama niya sa naturang pelikula na ginawa noong 1990 sina Robert De Niro at Joe Pesci.
Ginampanan naman ni Ray ang papel bilang baseball star na si "Shoeless Joe" Jackson sa sports movie na "Field of Dreams," kasama si Kevin Costner.
Kabilang sa mga nakiramay at nadadalamhati sa pagpanaw ni Ray ang kaniyang "Goodfellas" co-star na si Lorraine Bracco, na gumanap na asawa niya sa pelikula.
"I can be anywhere in the world & people will come up & tell me their favorite movie is Goodfellas," saad ni Lorraine sa tweet.
"Then they always ask what was the best part of making that movie. My response has always been the same... Ray Liotta," patuloy niya.
Ilang mobster films pa ang ginawa ni Ray kabilang ang "No Sudden Move" at "The Sopranos" prequel na "The Many Saints of Newark."-- AFP/FRJ, GMA News