Hinatid na sa kaniyang huling hantungan ang "Reyna ng Pelikulang Pilipino" na si Susan Roces matapos pumanaw dahil sa cardiac arrest noong nakaraang linggo.
Itinabi ang mga labi ni Susan sa puntod ng kaniyang asawang si Fernando Poe Jr. pasado 11:30 a.m. ng Huwebes sa Manila North Cemetery.
Bago ang kaniyang libing, nagdaos muna ng Misa para sa kaniya sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.
Isinagawa naman ang last viewing para sa ilan pang kamag-anak at malalapit na kaibigan ni Susan, ayon sa ulat ni Jhomer Apresto ng Super Radyo DZBB sa Balitanghali.
Humabol din ang ilang personalidad tulad nina Senator Sherwin Gatchalian at Boots Anson-Roa.
Inabisuhan naman ang mga tagahanga ni Susan na maghintay na sa Manila North Cemetery.
Papayagan silang dumalo papunta sa kaniyang paghihimlayan, pero hanggang gate na lamang kung dumami ang tao at hindi na kayanin ng kapasidad ng sementeryo.
Si Susan, o Jesusa Purificacion Levy Sonora-Poe sa totoong buhay, ay bumida sa iba't ibang pelikula, tulad ng "Mga Bituin ng Kinabukasan" (1952), "Sino Ang May Sala" (1957) at "Patayin Mo sa Sindak si Barbara" (1974).
Nakatambal ni Susan sa "Ang Daigdig Ko'y Ikaw" si Ronald Allan Kelley Poe o Fernando Poe Jr. na kaniyang napangasawa kalaunan.
Ilang beses nang tumanggap ng FAMAS award si Susan dahil sa galing at husay niya sa pag-arte.
Nagkaloob ang Philippine Postal Corporation ng portrait para sa kay Susan bilang pagkilala sa kaniya na Living Legend-Outstanding Filipino. Tinanggap ito ng kaniyang anak na si Senator Grace Poe. —VBL, GMA News