Nagkaloob ang Philippine Postal Corporation ng portrait para sa yumaong beteranang aktres na si Susan Roces bilang pagkilala sa kaniya na Living Legend-Outstanding Filipino.
Tinanggap ng kaniyang anak na si Grace Poe ang portrait ng kaniyang ina mula sa mga opisyal ng PHLPost, na ibinahagi ng senadora sa Facebook post.
"Maraming salamat sa PHLPost sa pagkilala kay Susan Roces bilang isa sa mga Living Legend Outstanding Filipino. Tunay na ipinagmalaki at ikinagalak niyang matanggap ang parangal na ito," caption ni Senator Poe.
"The Post Office honored Susan Roces, the Queen of Philippine Movies, as an Outstanding Filipino last February. Her memory will live on, and people will remember her for giving joy and pride to the nation through film and television," saad naman ng PHLPost sa kanila ring Facebook post.
Kabilang si Roces, pumanaw noong Biyernes, sa mga napili para sa mga bagong selyo ng outstanding Filipinos na nagsilbing inspirasyon sa kanilang mga larangan.
Kasama ni Roces sina Nora Aunor, Gloria Romero, Rosa Rosal, at Vilma Santos; ang mga scientist na sina Dr. Ernesto O. Domingo at Dr. Baldomero Olivera; at ang bowler na si Olivia “Bong” Coo at basketball player na si “El Presidente” Ramon Fernandez.
Samantala, inaayos na ang puntod ni Roces sa mausoleo ng pamilya Poe sa Manila North Cemetery, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles.
Katabi ng puntod ni Roces, kinikilala bilang Reyna ng Pelikulang Pilipino, ang puntod ng kaniyang asawang si Fernando Poe Jr.
Patuloy ang pagdating ng mga kamag-anak, kaibigan at taga-suporta sa burol ni Roces sa Heritage Memorial Park sa Taguig City.
Dumalaw at nagbigay-pugay din si Presumptive President Ferdinand Marcos Jr. at asawa nitong si Lisa Araneta Marcos Martes ng gabi.
Si Bishop Teodoro Bacani ang nagsagawa ng Misa kung saan inalala ang buhay ni Roces.
Nakatakdang ilibing si Roces sa Huwebes.--FRJ, GMA News