Bago pa man akusahan ni Amber Heard ng pananakit, problemado na umano ang showbiz career at finances ni Johnny Depp, ayon sa dating agent at business manager ng aktor.
Humarap ang dating agent ni Depp na si Tracey Jacobs sa pagdinig ng korte kaugnay sa $50 million damage suit na isinampa ng aktor laban sa kaniyang ex-wife na si Heard, ayon sa ulat ng Agence France-Presse.
Ayon kay Jacobs, nagsimulang tumamlay ang reputasyon ni Depp noong 2010 dahil sa "unprofessional behavior."
Taong 2016 nang magsampa si Heard ng temporary restraining order laban kay Depp dahil umano sa domestic violence, at humantong sa kanilang paghihiwalay at diborsiyo.
Nagsampa si Depp ng $50 million damage suit laban sa kaniyang dating misis dahil naapektuhan daw ang kaniyang trabaho at nawalan siya ng mga proyekto dahil sa alegasyon ng Heard na nananakit siya ng asawa.
Nagsampa naman ng kontra-demanda si Amber at humingi ng $100 million damages dahil umano sa naranasan niyang "rampant physical violence and abuse" sa aktor.
Pero ayon kay Jacobs, bago pa man ang hidwaan ng mag-asawa, matamlay na ang karera ng aktor dahil sa masama umano nitong ugali pagdating sa trabaho.
Kasama umano sa "unprofessional behavior" ni Depp ang paggamit ng drugs at alcohol at laging late dumating sa set ng proyekto.
"Crews don't love sitting around for hours and hours and hours waiting for the star of the movie to show up," ani Jacobs. "It's a small community and it made people reluctant to use him toward the end."
May pinansiyal na problemado rin umano si Depp at humingi ito ng $20 million sa kanilang agency noong January 2016.
"The question was not asked as a loan," ani Jacob.
Ayon kay Jacobs, sinabihan ng kaniyang mga partner si Depp na hindi bangko ang kanilang kompanya. Tinulungan daw nila itong makautang sa Bank of America.
Inihayag naman ni Josh Mandel, dating business manager ni Depp, na naging "extremely concerned" siya sa financial situation ng aktor noong 2015.
Palagi umano nilang pinag-uusapan ni Depp na bawasan ng aktor ang gastusin "but it never seemed to happen."
"There was no follow up," aniya.
"It became clear over time that there were issues with alcohol and drugs," sabi pa ni Mendel. "And that translated into more erratic behavior."
Ani Mendel, gumagastos umano si Depp ng $300,000 isang buwan sa full-time staff, at $100,000 isang buwan sa doktor at mga nurse "to ensure his sobriety."
Pagtaya ni Mandel, kumita si Depp ng nasa $600 million sa panahon na kinakatawan niya ito.
Taong 2016 nang sibakin ni Depp si Mandel at kinasuhan. Nagkaaregluhan sila noong 2018.
Sinibak din ni Depp si Jacobs noong 2016.
Nang tanungin si Jacobs bakit siya sinibak ni Depp, tugon niya: "I really don't know. All I know is that he terminated essentially everyone in his life."
Nagpresinta ang abogado ni Depp ng mga eksperto para patunayan na milyong dolyar ang nawala sa aktor dahil sa domestic abuse accusations ni Heard.
Kabilang umano sa nawalang kita ng aktor ang $22.5-million payday sana sa sixth installment of "Pirates of Caribbean" na pinagbibidahan niya.
Hindi na raw itinuloy ang naturang proyekto matapos makaladkad ang pangalan ni Depp sa alegasyon ng pananakit ng asawa.
Itinakda ni Judge Penney Azcarate ang closing arguments sa naturang kaso Mayo 27, at pagkatapos nito ay magpapasya na ang jury. -- AFP/FRJ, GMA News