Ikinuwento ni Cai Cortez na dahil sa "maling akala" at isang figurine, naging "dear" ang tawagan o term of endearment ng nabuong barkadahan ng cast members ng Kapuso rom-com series na "First Lady."
Sa programang "Mars Pa More," sinabi ni Cai na nagsimula ang tawagan nila ng "dear" noon "First Yaya" pa lang ang karakter ni Sanya Lopez, bago naging "First Lady" sa Book 2 ng teleserye.
"Noong First Yaya pa siya, habang nagba-blocking si direk L.A. (Madridejos), sa likod ko, merong artistang nagsalita. 'Halika na, dear!' Akala ko ako 'yung kausap [na tinawag na dear]," saad ni Cai.
Pero nalaman ni Cai na hindi pala siya ang kausap ng kaniyang co-actor, at nagulat na natawa pa siya nang makita ang tinawag nitong "dear."
"Paglingon ko, 'yung co-actor merong buhat-buhat na statue ng usa. Kausap niya 'yung deer talaga, literal. 'Tara na deer.' Sabi ko 'Hayop ka akala ko ako si dear!' Akala ko, 'Mainit dito, tara na dear,'" sabi niya.
"So since then, ang tawagan na namin sa barkadahan namin ay 'dear,'" patuloy ni Cai.
Inilahad din ni Cai na ang artistang may dala ng estatwa ng deer ay si Kakai Bautista.
Ang First Lady ang pagpapatuloy ng kuwento ng First Yaya, kung saan napangasawa ni Melody, na ginagampanan ni Sanya Lopez, ang Presidente ng Pilipinas na si Glenn Acosta, na ginagampanan naman ni Gabby Concepcion.
Bukod kina Sanya at Gabby, kasama rin sa teleserye sina Maxine Medina, Cassy Legaspi at Thia Thomalla. -- FRJ, GMA News