Nagsisilbing paalala kay Cai Cortez na hindi madali ang pag-aartista at hindi puro glamorosa nang maranasan niyang hindi makuhanan ng eksena kahit mula umaga hanggang madaling araw siya sa location ng taping.
Sa programang "Mars Pa More," ikinuwento ni Cai na kagagaling pa lang niya noon mula sa theater industry nang maimbitahan siyang gumanap bilang bestfriend ng bida sa isang teleserye sa ibang network.
"This is my very first teleserye ever... First day ko roon, 6 am ang call time. Friendly friendly with everybody. Tapos gabi na, hindi pa rin ako nakukunan," kuwento ni Cai.
Ayon kay Cai, nakatulog na siya sa kahihintay na makunan siya sa eksena sa ospital.
"10 pm na. After dinner siyempre busog, antok, nakatulog sa ospital. Tapos paggising ko, ginising ako ng driver ko, 'Ma'am wala nang tao,'" anang comedianne.
Dito na nagpasya si Cai na tanungin ang direktor kung kailangan pa siya sa eksena.
"'Day (Inday) 3 a.m. na. Wala na akong kasama sa ospital, patay na 'yung mga ilaw, [pero] ando'n pa sila sa ground floor. Sabi ko, 'Direk, kailangan pa po ba ako?' Sabi niya 'Ay bakit andito ka pa? Hindi ka ba nasabihan? Kanina ka pa pack up.' Hindi ako nakunan," paglalahad niya.
Hindi man maganda ang naturang karanasan, maituturing naman ito ni Cai bilang isang "learning experience."
"Which, para sa akin, ang gandang experience 'yon for a first time dahil doon ko naintindihan na ang pag-aartista ay hindi puro glamor at dali lang," saad niya.
"Naipamulat na sa iyo ang kalakaran na hindi madaling maging artista," komento ng host na si Camille Prats.
"To keep my feet on the ground. So 'yon ang palagi kong binabalikan," sabi ni Cai. --FRJ, GMA News