Makulay at matagumpay ang kuwento ng buhay ng namayapang celebrity makeup artist at stylist na si Fanny Serrano. Panganay sa anim na magkakapatid, maaga niyang inako ang responsibilidad sa pamilya nang iwan sila ng kanilang ama.
Sa naging panayam noong 2016 ng programang "Tunay na Buhay," ikinuwento ni Fanny na bata pa lang ay batid na niya na isa siyang bading.
"Maski nung maliit pa ako nararamdaman ko na na iba. Makipaglaro man ako sa mga lalaki noong araw, siguro natatandaan ito ng mga kalaro ko, cowboy-indian, ako yung kinikidnap," natatawa niyang kuwento.
Naalala rin noon ni Fanny kung papaano isinisi ng ilang kaanak niya sa kaniyang "kabaklaan" sa pinagdaanan nilang hirap noon sa buhay.
Gayunpaman, nagsikap si Fanny na itaguyod ang kanilang pamilya. Pinasok niya ang iba't ibang trabaho gaya ng pagtitinda ng school supplies hanggang sa maging "boy" o utusan siya sa isang parlor.
"Walis-walis ka, 'pag may clip kang makita kailangan pulutin mo 'yon. Tawag ng taxi, bili ng miyenda, bili ng softdrinks, bili ng sigarilyo o kung ano ang iutos sa'yo," paglalahad niya.
Ipinagpatuloy ni Fanny ang pagsisikap sa trabaho hanggang sa dumating ang malaking break sa kaniyang buhay nang maiwan siya sa parlor habang nasa out of town ang mga senior hairdresser- makeup artists.
"Ako natira, pinagbantay ako ng parlor. May dumating na costumer na kailangang gawin dahil mayroon siyang importanteng lakad. That's it," saad niya.
"Sabi ko, ako na magma-make up sa'yo. Ayaw pa kasi utus-utusan lang ako. [Pero] sabi sige na nga try kita. Di na-try ko, aba nung bumalik, ako na ang hinahanap,” masayang kuwento ni Fanny.
Isa si Fanny sa mga kinikilala at nirerespetong makeup at stylist ng mga celebrity sa bansa. Nakapagtayo rin siya ng sarili niyang salon at may makeup brand na Fanny Serrano cosmetics, personal care line, Fanny Serrano HairCare, at maging Fanny Serrano couture.
Pumanaw si Fanny nitong Martes ng gabi sa kaniyang tahanan habang natutulog. Nagkaroon siya ng stroke noong September 2016 at noong 2021.
Nang tanungin si Fanny sa "Tunay na Buhay" kung ano ang aral ng kaniyang tunay na buhay, tugon niya, "Kapit ka lang sa Panginoon. Saka siyempre forgiveness. Malaking bagay yung forgiveness. Isa 'yan sa nakakapagpaganda ng buhay mo, isa 'yan sa nakakapagpagaling sa'yo."
— FRJ, GMA News