Mistulang kandidato na pinagkaguluhan ng mga tao ang "First Lady" na si Sanya Lopez nang bumoto ang aktres sa kaniyang polling precinct nitong Lunes.
Sa mga video mula sa netizens, makikitang sinulit ng mga botante ang magpa-picture kay Sanya nang makasabayan nila ang aktres sa pagboto.
Maririnig din na sumisigaw ang mga tao ng "Acosta!" at "First Lady," na karakter ni Sanya sa GMA series na "First Lady."
Ang "Acosta" ang apelyido ng karakter ni Sanya na si Melody bilang asawa ng presidente ng Pilipinas na si Glenn Acosta, na ginagampanan ni Gabby Concepcion.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nakapila na si Sanya at ang kuya niyang si Jak Roberto nang pagkaguluhan sila ng mga tao.
Dahil dito, nagdesisyon ang election inspectors na pabotohin agad si Sanya para hindi na magkagulo ang mga tao.
"Nahiya po kami. Humingi naman po kami ng pasensya sa mga tao at nakakatuwa po na naiintindihan naman po nila," sabi ni Sanya.
Pero kahit tapos nang bumoto, sinalubong pa rin si Sanya ng mga tao sa labas ng presinto.
"Tinatawag nila akong 'Acosta! Acosta!' gaganu'n sila, 'First Lady,' 'Madam presidente' pa 'yung tinawag last time. So nakakaaliw talaga. Sa lahat ng dinadaanan namin ang tawag na sa akin Melody," sabi ni Sanya.
Dahil dito, hindi maiwasan ni Sanya na maikumpara ang mga pangyayari sa totoong buhay sa takbo ng kuwento sa First Lady, lalo na sa katatapos lang na eleksyon.
Sa pinakabagong kaganapan sa serye, pumayag na si Melody na humalili sa kaniyang mister na si Glenn bilang kandidatong pangulo. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News