Kung may mga celebrity na nagningning ang bituin sa katatapos na eleksyon at nagwagi, mayroon ding mga hindi pinalad na manalo.
Bigo sa kanilang presidential race sina Manila Mayor Isko Moreno at boxing champ Senator Manny Pacquiao.
Basahin: Celebrities na nagningning sa Eleksyon 2022, alamin
Hindi rin pinalad si Senate President Tito Sotto, na tumakbong bise presidente, gayundin ang mister ni Sharon Cuneta na si Senator Kiko Pangilinan.
Sa senatorial race, tila kakapusin si dating Quezon City Mayor Herbert Bautista, na nasa ika-14 na puwesto sa unofficial count. Halos dalawang milyong boto ang layo niya sa umuukupa ng huli at ika-12 puwesto na kapuwa niya celebrity na si Jinggoy Estrada.
Hindi rin pinalad sa senatorial race si Monsour del Rosario na nasa ika-29 na puwesto. Ang party-list group na Mothers for Change (Mocha) ni Mocha Uson, malabo ring makakuha ng isang upuan sa Kamara de Representantes.
Bigo rin sa pagsabak niya sa pagka-kongresista sa 1st District ng Cebu City si Richard Yap. Gayundin din si Angelica Jones sa 3rd District ng Laguna.
Hindi gaya ni Robin Padilla na nangunguna sa senatorial race, pangalawa lamang si Rommel Padilla at malayo sa nangunguna sa congressional race sa 1st District ng Nueva Ecija.
Bigo rin sa pagtakbong gobernador sa lalawigan ng Camarines Sur ang singer na si Imelda Papin. Hindi pinalad ang basketball star na si Alvin Patriminio na malayong pangalawa sa mayoralty race sa Cainta, Rizal.
Pangatlo lang sa mayoralty race sa Calamba, Laguna si ER Ejercito. Gayundin si Teri Onor na tumakbong vice mayor sa Abucay, Bataan. Sa Maynila, bigo si Raymond Bagatsing na maging vice mayor matapos matalo sa kapwa-artista na si Yul Servo.
Sa pagka-konsehal sa 4th District sa Quezon City, nasa pang-11 puwesto lang si Hero Bautista, at pang-walo si Bobby Andrews.
Sa Caloocan City, bigong makabalik na konsehal si Dennis Padilla. Bigo rin sina Arci Muñoz (tumakbong konsehal sa Cainta, Rizal at si Claudine Barretto (kandidatong konsehal sa Olongapo). --FRJ/KG, GMA News