Maraming celebrity ang tumakbo sa katatapos na halalan nitong Lunes, Mayo 9, 2022, at ilan sa kanila ang nagningining ang bituin at makasusungkit ng posisyon sa gobyerno.
Big surprise sa marami ang pangunguna ni Robin Padilla sa unofficial count sa senatorial race na may mahigit nang 26 milyon boto hanggang nitong Martes ng tanghali.
Tila malabo na siyang maalis sa top spot dahil halos tatlong milyon ang lamang niya sa pumapangalawa sa kaniya, at halos 98 percent na ng election returns ang pumapasok sa Comelec media server.
Gayunman, kailangan pa rin hintayin ang opisyal na bilangan na gagawin ng Comelec, at ang pagdedeklara ng mga nanalo sa national positions.
Bukod kay Robin, namamayagpag din sa senatorial race ang mga broadcaster na sina Loren Legarda at Raffy Tulfo.
Nasa ika-12 at huling puwesto naman ng winning circle o magic 12 sa senatorial race ang dating aktor na si Jinggoy Estrada na may 14,911,486 boto.
Hindi pa malinaw kung mahahabol pa ang boto niya ng nasa ika-13 puwesto na si dating vice president Jojo Binay na may 13,137,946 boto dahil may mga ERs pa na hihintayin.
May tiyansa naman na makaupo bilang partylist representatives si Karla Estrada kung makakakuha ng tatlong upuan sa Kamara de Representantes ang partylist group niyang Tingog.
Sa unofficial count, nasa ikatlong puwesto ang Tingog sa bilangan na mayroong 2.42%. Ang isang partylist group ay maaaring makakuha ng hanggang maximum na tatlong upuan depende sa dami ng makukuhang boto.
Nagwagi naman bilang kongresista sa 1st District ng Quezon City ang boyfriend ni Maine Mendoza na si Arjo Atayde. Nahalal din muli bilang kongresista si Dan Fernandez sa Laguna.
Malaki ang posibilidad na manalong kongresista sa Cavite ang mag-inang Lani Mercado at anak niyang si Jolo Revilla.
Muli ring nahalal na gobernador ng Bulacan si Daniel Fernando. Nangunguna naman sa bilangan ng mga boto sa pagka-kongresista sa 4th District ng Layte si Richard Gomez. Gayundin ang misis niyang si Lucy bilang mayor ng Ormoc.
Magiging bise gobernador naman ng Oriental Mindoro ang aktor na si EJ Falcon. Sa 5th District ng Quezon City, nasa ikalawang puwesto sa bilangan ng mga boto sa pagka-konsehal si Alfred Vargas, at pang-lima si Aiko Melendez.
Pasok naman sa top-6 sa pagiging konsehal sa San Juan City ang mga basktball player na sina James Yap at Paul Artadi, maging ang aktor na si Ervic Vijandre.
Konsehal muli sina Jhong Hilario sa Makati. Vice mayor ng Maynila si Yul Servo, at konsehal ang veteran actor na si Lou Veloso. At si Angelu de Leon, panalong konsehal sa Pasig.
Magsisimula ang termino ng mga mananalo sa Eleksyon 2022 sa Hulyo 1, 2022.--FRJ, GMA News