Mula sa pagiging "First Yaya," naging "First Lady" na ngayon si Melody na karakter ni Sanya Lopez. Pero posible nga bang maging "Madame President" naman ang kaniyang titulo sa naturang Kapuso hit primetime series?

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Sanya na heart-breaking ang mga susunod na tagpo sa "First Lady" matapos mabiktima ng assassination plot ang asawa ni Melody na si President Glenn Acosta, na karakter ni Gabby Concepcion.

Ang assassination plot ay pakana ni Senator Allegra Trinidad (Isabel Rivas,) na kalaban ni Acosta sa presidential race.

Dahil sa nangyaring asasinasyon, naging kritikal ang buhay ni Acosta at nananatiling walang malay sa ospital.

"Ang bigat ng eksena, sobrang sakit habang ginagawa namin. Rehearsal pa lang ito pero umiiyak na kami. Ganu'n siya ka-intense," sabi ni Sanya.

"Ngayon ngang si President Glenn ay nasa panganib ang buhay at hindi natin alam kung ano ang mangyayari kay Melody bilang isa siya sa mga inaasahan sa Palasyo. So ano 'yung magiging desisyon niya," dagdag ng Kapuso actress.

May aabangang twist sa series dahil sa pangyayari kay President Glenn, posible kayang si Melody ang tumakbong presidente kapalit ni PGA?

"Ako?! Ako talaga? Bakit?," natatawang sagot ni Sanya sa tanong kung tatakbong pangulo si Melody.

"Pero 'di ba, ayaw naman talaga ni Melody na tumakbo bilang Presidente o kahit anuman, ayaw niya sa politika eh. Nagkataon lang talaga na napangasawa niya ay si President Glenn Acosta kaya naging First Lady siya," paliwanag niya.

Sinabi naman ni Sanya na napapanahon ang ipinalalabas nila ngayon sa First Lady dahil ipinakikita nila ang mga nangyayari tuwing panahon ng kampanya at eleksyon, na natapat din sa Eleksyon 2022. --Jamil Santos/FRJ, GMA News