Inalis sa mga sinehan sa Pilipinas ang pelikulang "Uncharted" na pinagbibidahan nina Tom Holland at Mark Wahlberg. Dahil ito sa eksenang ipinakita ang nine-dash line map ng China na sumakop maging sa teritoryo ng Pilipinas.
Ang pag-alis sa mga sinehan sa naturang action-adventure movie ay iniutos ng The Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), batay sa kahilingan ng Department of Foreign Affairs.
Sa pahayag, sinabi ng DFA na ang eksenang nagpapakita ng kontrobersiyal na mapa ng China sa South China Sea ay salungat sa pambansang interes ng Pilipinas.
Kaya hiniling nila sa MTRCB na suriin ang pelikula at huwag ipalabas sa mga sinehan sa bansa.
"In its response to the DFA, MTRCB stated that it had ordered Columbia Pictures Industries Inc. to cease and desist from exhibiting the said motion picture, unless and until they are able to remove the objectionable scenes," ayon sa DFA.
"MTRCB further reported that Columbia has since complied with its order and has pulled out the movie from the cinemas," dagdag nito.
Sa naturang mata ng China, halos sinakop nito ang buong South China Sea at nanghimasok maging sa mga teritoryo ng Pilipinas at iba pang bansa na may inaangking teritoryo sa naturang bahagi ng karagatan tulad ng Vietnam, Malaysia, Brunei, at pati na ang Taiwan.
Iginiit ng DFA na walang legal basis sa international law ang nine-dash line ng China. —FRJ, GMA News