Bumisita sa "Eat Bulaga" sa unang pagkakataon ang Fil-Am rapper na si Ez Mil, na umawit ng hit song na "Panalo" (Trap Cariñosa) na patungkol sa pagiging makabayan ng mga Pinoy.
Tinanong ng mga EB Dabarkads na sina Ryan Agoncillo, Allan K, at Jose Manalo, kung ano ang nararamdaman niya sa pagiging hit ng "Panalo" na mahigit 70 milyon na ang views sa Youtube.
"Sa tingin ko po sa ngayon hindi pa rin ako makapaniwala na ganon pa rin yung naabot niyang numero," sabi ni Ez Mil, o Ezekiel Miller.
"I’m still humbled cause it’s still growing...everything that’s happening on YouTube," patuloy niya.
Natutuwa rin siya na tinatanggap ng mga dayuhan ang kaniyang mga likhang awitin, kahit na sa wikang Filipino.
"They still accepted. Whenever they react to the song they still jump out of their seats...Still very accepting," anang rapper.
Inihayag din ni Ez Mil ang dalawa niyang bagong awitin na "Re-Up" at "Dalawampu't Dalawang Oo."
Tubong-Olongapo si Ez Mil, anak ni Paul Sapiera, ang lead singer ng bandang RockStar Arkasia.
Nakatakdang magtanghal si Ez Mil sa New Frontier Theater sa Abril 29. —FRJ, GMA News