Sa naging karanasan ni GMA News pillar Mike Enriquez sa sakit sa bato o kidney, nakita niya ang hirap ng mga tao na may katulad na karamdaman lalo na ang mga kapos sa pinansiyal.
Kaya naman sa panayam ng "Kapuso Showbiz News," inihayag ng batikang broadcaster ang hangarin niyang tumulong sa iba ngayong nalampasan na niya ang pagsubok makaraang sumailalim sa kidney transplant.
"'Pag pinagdaanan mo 'yung pinagdaanan ko, mare-realize mo how good God was to me, and how I should... pay it forward," ayon kay Mike.
Bago sumailalim sa operasyon, sinabi ni Mike na tatlo hanggang apat na beses siyang nagpa-dialysis sa loob ng isang linggo.
Matapos ang operasyon, masayang sinabi ni Mike na hindi na niya kailangan na gawin muli ang pagpapa-dialysis.
Ayon kay Mike, mas mahirap ang pinagdadaanan ng mga may sakit sa bato na walang sapat na pera para tustusan ang kanilang pagpapagamot.
"Maraming Pilipino na walang kalaban-laban simply because wala silang pera," saad niya.
"It breaks my heart when people come to me asking for help. It breaks my heart to know about dialysis patients, 'yung mga nangingitim. Kaya nangingitim 'yun kasi underdialyzed. Kulang sa dialysis. Bakit sila underdialyzed? Kasi walang pera," patuloy niya.
Ayon kay Mike, mayroon siyang mga kaibigan na transplant patients din na nagpaplanong bumuo ng organisasyon para tulungan ang mga kapus-palad na may problema sa bato.
"So I will be meeting with our group and figure out ways and means of helping our brothers and sisters who need dialysis, who need kidney procedures but cannot have it because they cannot afford it," sabi ng veteran broadcaster.
Disyembre noong nakaraang taon nang mag-medical leave si Mike para sumailalim sa kidney procedure. Matapos ang tatlong buwan, magbabalik-trabaho na muli siya.
Ibinahagi ni Mike ang bilin ng kaniyang maybahay sa kaniyang pagsabak muli sa trabaho.
"Sabi niya simpleng-simple lang, short and sweet, sabi niya: Mike, easy-easy lang ha," ayon kay Mike.
--FRJ, GMA News