Lumabas na ang resulta ng awtopsiya sa mga labi ng American singer na si Keith Martin na natagpuan ang bangkay sa kaniyang condo unit sa Quezon City noong nakaraang Biyernes.
Sa ulat ni Jojo Gabinete sa PEP.ph, sinabing heart attack o acute myocardial infarction ang ikinamatay ni Keith, na ang kabilang sa mga hit song ay "Because of You."
Nang makita ang bangkay ni Keith na pinaniniwalaang ilang araw nang patay sa kaniyang condo unit, ang Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, ang nagsagawa ng imbestigasyon.
Batay umano sa imbestigasyon ng QCPD, huling nakitang buhay si Keith noong March 20, 2022.
Walang palatandaang puwersahang pinasok ang condominium unit ng 57-anyos na mang-aawit na piniling manirahan sa Pilipinas.
Nadiskubre ang mga labi ni Keith matapos magreklamo ang ibang nakatira sa gusali na may masangsang na amoy.
Nakatakda umanong simulan ngayong hapon ng Lunes ang public viewing sa cremated remains ni Keith sa Immaculate Conception Cathedral Grottos sa Lantana Street, Quezon City.
--FRJ, GMA News