Kahit isang taon na ang nakararaan mula nang maghiwalay sila ng dati niyang nobya, umaasa pa rin ang Kapuso actor na si Jay Arcilla na magkakabalikan sila.
Sa programang "Mars Pa More," tinanong ang aktor kung naka-move on na ba siya o hindi pa sa nangyaring hiwalayan nila ng dating nobya na naging karelasyon niya sa loob ng anim na taon.
"Yes," ang isinagot ng aktor pero nalito ang mga host ng show kung "yes" na naka-move o "yes" na hindi pa siya nakaka-move on.
Dito na inamin ni Jay na hindi pa siya nakaka-move on.
"Every time naaalala ko yung memories namin together, 'yun yong pinakamasakit," pahayag niya.
Tinanong ng host na si Camille Prats si Jay kung may pag-asa pa kayang magkabalikan sila.
"Waiting lang siguro," sagot niya. "Depende sa panahon kung..."
Tinanong naman ni Kuya Kim Atienza kung mayroon na bang ibang karelasyon ang dating nobya.
Ayon kay Jay, hindi niya alam pero siya, wala pa.
"Mayroong mga nakikilala pero hindi... iba eh, iba," paliwanag ng aktor.
Inihayag din ni Jay na umaasa at ipinagdarasal niya na magkakaayos muli sila at magkakabalikan ng dating nobya.
Hindi naman binanggit ni Jay kung ano ang dahilan ng breakup nila ng dating kasintahan.
--FRJ, GMA News