Inihayag ni Kris Aquino na magpupunta siya sa ibang bansa para magpagamot. Gayunman, sinabi niyang wala siyang cancer at maayos din ang kaniyang blood sugar.

Sa kaniyang Instagram account, nag-post si Kris ng video habang kinuhanan siya ng dugo para i-test.

“Cancer is ruled out, kidney function is okay, sugar is fine (meaning no diabetes), and so far, liver function is okay considering all my maintenance [medicine],” saad ni Kris.

Sinabi niya na ang blood test ay para makita kung "viable ako for the treatment I want to try before we go abroad.”

Bukod dito, kumonsulta umano si Kris sa isang allergy specialists.

“Kailangan unahin namin yung pinaka malaking hadlang—my allergies and my chronic urticaria. Hindi kasi alam how I’ll react to the dyes needed for tests like CT Scan, MRI, and lahat ng may -gram sa ending,” paliwanag niya.

 

 

Nagpalamat si Kris sa mga nagpahayag ng suporta at mga nagdarasal para sa kaniya at mga mahal niya sa buhay.

Noong nakaraang linggo, humingi ng panalangin si Kris sa kaniyang 51st birthday, at sinabing binisita ng kaniyang mga duktor ang kaniyang medical history dahil mayroon umanong “something” na na-“overlooked.”

Kasabay nito ay humingi rin si Kris ng panalangin sa isang taong malapit sa kaniya at sa kaniyang namayapang kapatid na si dating Pangulong Noynoy Aquino, pero hindi niya pinangalanan, na dumadaan din sa pagsubok.

Noong nakaraang taon ay na-diagnose si Kris na mayroong autoimmune disease. At mula noon ay ibinabahagi na niya ang estado ng kaniyang kalusugan.-– FRJ, GMA News