Inihayag ni Dingdong Dantes ang paghanga niya sa kaniyang leading lady na si Beauty Gonzalez sa "I Can See You: AlterNate," dahil sa pagiging propesyonal at committed ng aktres sa trabaho.

"First time ko siyang na-meet noong nagkatrabaho kami. Nagulat talaga ako dahil siyempre I mean, doon ko pa lang talaga siya nakilala at nakausap," sabi ni Dingdong sa panayam sa kaniya sa Mornings with GMA Regional TV.

"And then noong nagka-eksena agad kami. So ang galing kasi nakita ko talaga kung gaano siya ka-professional, kung gaano siya ka-committed doon sa kaniyang new role," sabi ng Kapuso Primetime King tungkol kay Beauty.

Sa tulong daw ng pagganap ni Beauty bilang si Shiela, naging mas makulay pa ang mga karakter na kaniyang ginagampanan na kambal na sina Nate at Michael.

"Masasabi kong super talented talaga siya. Napakasuwerte namin na siya 'yung aming kasama rito sa 'AlterNate' dahil talagang nabuhay 'yung characters around Nate and Michael through their own creative and excellent work," ani Dingdong.

Nauna naman nang pinuri ni Beauty si Dingdong, na inilarawan ng aktres bilang isang "sobrang bait na tao."

Sa kuwento ng mini series, gumaganap si Dingdong bilang si Nate, na inampon at inaruga ng isang mayamang mag-asawa.

Ngunit madidiskubre niyang mayroon siyang kambal na si Michael, na si Dingdong din ang gumaganap.

Si Dion Ignacio ang nagsilbing ka-double ni Dingdong para sa kambal na role nito.

--FRJ, GMA News