Kinagiliwan ng netizens ang pagbibigay-saya ng unico hijo nina Luane Dy at Carlo Gonzales na si baby Christiano, lalo nang maabot nito ang kaniyang milestones.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras, sinabing tunay na naghahatid ng ray of sunshine si Christiano sa kaniyang activities tulad ng phone call game bonding kasama si Carlo at pagdidilig niya ng halaman kada umaga.

Pinupusuan naman ito ng netizens.

"Hardinero po namin 'yan, 'yan 'yung activities niya in the morning," sabi ni Luane.

Ayon sa kaniya, hamon na gawing interesting ang activities para sa kaniyang lumalaki niyang baby boy.

Nililimitahan din nina Luane at Carlo ang screen time ng bata at dinadagdagan ang learning activities.

"Mahilig siya sa art stuff so marami akong binibiling pang-arts and craft. Gusto niya nagdu-doodle na ngayon, drawing na siya nang drawing. Tapos meron pa 'yan magdo-drawing nang ganiyan kunwari, may whiteboard kasi siya eh, magdodrawing lang siya ng ganiyan ng lines, kasi tinuturuan ko siya ng iba't ibang klase ng lines, curvy, spiral, wavy," kuwento ni Luane.

Isinilang ni Luane si Baby Christiano noong Abril 30, 2020, sa gitna ng COVID-19 pandemic. — Jamil Santos/VBL, GMA News