Bilang magulang, sinabi ni Marian Rivera na hindi nila naiwasan ni Dingdong Dantes na mag-aalala para sa kanilang mga anak nang magpositibo sila sa COVID-19.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabi ni Marian na mas nag-aalala sila para kina Zia at Sixto, na mga bata pa at hindi pa puwedeng bakunahan.
"Siyempre nakaka-panic kasi 'di mo alam lalo na walang bakuna 'yung mga bata," ayon sa aktres.
"Ako naka-booster na ko so OK ako, hindi ba, pero pag 'yung mga anak mo na wala pang bakuna, parang sandali lang, anong mangyayari? Anong kailangan nating gawin? So super panic," patuloy niya.
Sa Facebook post nitong Linggo, ibinahagi ni Dingong ang naging laban ng kaniyang pamilya sa COVID-19. Halos lahat daw sila ay nakaranas ng sintomas ng sakit tulad ng lagnat.
Sa ngayon, halos lahat na sila ay gumaling na, ayon sa aktor.
"Masasabi kong siguro 95% recovered although may konting paubo-ubo pa," aniya. "'Yung kids naman clear na sila bumalik na 'yung kanilang ganang kumain tapos si Zia balik na siya sa school."
Balik na rin sa trabaho ang mag-asawa: si Dingdong sa "Amazing Earth" at sa "Taghana" naman si Marian.
Hinikayat din ng mag-asawa ang publiko na magpabakuna para maprotektahan ang sarili at ang kanilang pamilya.
—FRJ, GMA News