May nakakakilig na mensahe ang nobyo ni Kiray Celis na si Stephan Estopia, na tinawag na "asawa" ang aktres sa kanilang romantic vacation sa Boracay.
Sa kaniyang Instagram, inihayag ni Stephan ang kaniyang patuloy na pagsuporta kay Kiray sa anuman ang marating nito sa buhay.
"Palagi kitang susuportahan sa mga nais at gusto mo asawa ko dito lang ako sa likod mo, palagi humahanga sa kakayahan mo at kahit maubusan ka man ng mga naniniwala sa'yo nandito ako patuloy papalakpak sa bawat tagumpay na naaabot mo. Mahal na mahal kita @kiraycelis," sabi ni Stephan.
Nagpasalamat naman si Kiray sa kanyang "daddy."
"Thank you daddy. I love youuuu!" sagot ni Kiray sa post ng nobyo.
Sa kaniya namang Instagram, ibinahagi ni Kiray ang larawang magkayakap sila ng kaniyang nobyo sa dulo ng bangka at sinusulit ang magandang sunset view sa Boracay.
"Piliin natin kung saan tayo sasaya. Gawin natin lahat ng gusto natin. Magmahal tayo, sumugal tayo, bumangon tayo, magpatawad tayo, maging mabait tayo tapos wag natin kalimutan na mahalin ang sarili natin. Mabuhay tayo ng masaya. Yun lang! Sapat na!" caption ng Kapuso comedianne.
Ipinagdiwang nina Kiray at Stephan ang ikalawang anibersaryo nila bilang magkarelasyon nitong Disyembre. — VBL, GMA News