Hindi naitago ni Marian Rivera ang pagka-miss sa kaniyang mga anak na sina Zia at Ziggy, na sinorpresa siya sa kaniyang pag-uwi matapos maging judge sa Miss Universe 2021.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras nitong Martes, sinabing ibang klaseng saya ang naramdaman ni Marian nang sorpresahin siya ng mga anak sa kanilang tahanan.
"Pagka-surprise, sigaw nang sigaw si Zia 'Mom! Mom! You're here! You're here!' So feeling niya, 'Is this a dream?' Gumaganu'n si Zia. Nakakatuwa rin finally nakauwi na talaga ako," kuwento ni Marian.
Inilahad ni Marian na hindi naging madali ang trabaho niya bilang bahagi ng all-female Miss Universe 2021 Selection Committee, kaya lubos ang pasasalamat niya sa kaniyang team, lalo sa asawang si Dingdong Dantes na all-out ang suporta sa kaniya.
"Sabi ko 'Naku, pag-uwi mo ng Manila may reward ka. Ipagluluto kita!'" sabi raw ni Marian kay Dingdong.
Nagkaroon din ng mga bagong kaibigan sina Marian tulad ni Indian actress at Bollywood star na si Urvashi Rautela na tinuruan niya ng kaniyang dance craze na "Sabay Sabay Tayo."
Bukod sa kaniyang experience sa Miss Universe, natupad din ang pangarap ni Marian na makapag-Holy Land sa Jerusalem.
"Ito 'yung isa sa pinaka-highlight ng buhay ko, na nabigyan ako ng pagkakataon, tapos sa Israel pa, na nakapunta pa ako sa Jerusalem. Sabi ko 'Wow Lord salamat po talaga sa biyaya dahil sobra sobra," anang Kapuso Primetime Queen. — Jamil Santos/VBL, GMA News