Hindi na muna hahataw nang naka-heels ang pambansang "cupcake" na si Gardo Versoza dahil sa kanilang knee injury.

Sa Instagram, nag-post ang aktor ng larawan at video kaugnay sa naging problema niya sa tuhod na "torn meniscus," ang cartilage na nagsisilbing "shock absorber" sa pagitan ng shinbone at thighbone.

“Bawal daw muna mag TikTok at mag-high heels,” anang aktor.

 

 

Makikita rin na may ininject sa tuhod ni Gardo na tila likido. Tiniyak naman niya na maayos ang kanilang kalagayan.

“I love dancing, I love TikTok, and I love to make people smile,” saad ni Gardo. “I’ll be back, cupcakes, dancin’ in heels again. [Love you] all. Happy holidays. God loves us.”

Hindi naman nabanggit ng aktor kung ano ang pinagmulan ng problema niya sa tuhod.

Pero sa naunang post ni Gardo ng larawan na may petsang December 10, makikita na namamaga ang kaliwa niyang tuhod.

Marami ang naaliw sa mga TikTok videos ni Gardo na sa kabila ng pagiging maskulado ay humahataw ng pagsayaw nang naka-heels.

– FRJ, GMA News