Pumanaw na ang mamamahayag at filmmaker na si Arlyn Dela Cruz dahil sa sakit na colon cancer.
"Earlier today, our mother passed away after six years of battling colon cancer," saad ng mga anak niya na sina Katrina Greta at Dominique Dela Cruz sa Facebook post nitong Lunes.
Ayon sa magkapatid, bukod sa pagiging bahagi ng media industry, nakapagsulat at nakapag-direk din ng ilang pelikula ang kanilang ina, pati na ang pag-organisa ng dalawang art exhibit.
"The disease did not conquer her zest for life and adventure; and she approached every new day armed with her razor-sharp wit and creativity," sabi pa ng magkapatid.
"We thank everyone who has sent thoughts and prayers our way. We will share details of her wake as soon as they are finalized," ayon pa sa magkapatid.
Base sa movie database IMDB.com, nakasaad na si Dela Cruz ang nagdirek ng mga pelikulang "Maratabat," "Tibak," "Pusit," at "Immaculada, Mother's Love."
Nagtrabaho bilang TV reporter si Dela Cruz sa Net 25 at news director para sa Radyo Inquirer.
Noong 2002, nabihag si Dela Cruz ng mga rebelde sa Jolo, Sulu at nakalaya matapos ang mahigit tatlong buwan.—FRJ, GMA News