Inihayag ni Max Collins na celebrity crush niya ang bagong Kapuso actor si John Lloyd Cruz.
"John Lloyd!" sagot ni Max sa isang online exclusive ng GMA Network nang tanungin kung sino ang kaniyang celebrity crush.
"Siya 'yung unang pumasok sa isip ko eh," natatawag paliwanag ni Max sa naging sagot niya.
Sinagot din ni Max ang iba pang juicy questions habang nasa lock-in taping ng Kapuso drama romance series na "To Have and To Hold."
Para kay Max, isa sa mga maganda sa lock-in taping na ginagawa nila ay mas madali nilang nakapagtutuon na mga artista sa kanilang trabaho.
"I love the fact na nakakapag-focus talaga kami sa ginagawa namin, and we just get to really immerse ourselves in the project. Masaya siya, masaya 'yung taping namin, masaya 'yung set, mababait lahat."
Gayunman, inamin ni Max na miss na niya ang anak nila ni Pancho Magno na si Baby Skye.
"Siyempre miss ko siya, sobra," anang Kapuso actress.
Gumaganap si Max bilang si Dominique, asawa ni Gavin (Rocco Nacino) sa To Have and To Hold.
Samantala, mayroon namang upcoming sitcom ang bagong Kapuso na si John Lloyd na, "Happy ToGetHer." --FRJ, GMA News