Napaindak ni Marian Rivera ang kaniyang "new friend" na Indian actress at Bollywood star na si Urvashi Rautela na tinuruan niya ng kaniyang dance craze na "Sabay Sabay Tayo."
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" Weekend nitong Sabado, sinabing co-judge at seatmate ni Marian si Urvashi, kung saan makikita ang kanilang bonding moment bago ang ika-70 Miss Universe preliminary competition sa Eilat, Israel.
"'Sabay-sabay tayo?' Me to Urvashi Rautela, my new friend," caption ni Marian.
Makikita sa Instagram ni Urvashi na proud niyang sinabi na si Marian ang kaniyang favorite Filipina actress na "glows like the sun."
Kasama si Marian sa female selection committee, kung saan kasama rin ang supermodel na sina Adriana Lima at Miss Universe 2016 Iris Mittenaere.
Todo-palakpak si Marian sa stage sa performance ng pambato ng Pilipinas na si Beatrice Luigi Gomez.
Sa Lunes, oras sa Pilipinas, ang final coronation ng Miss Universe. – Jamil Santos/RC, GMA News