Nananatiling Kapuso sina Sef Cadayona, Jon Lucas at Brent Valdez matapos silang muling pumirma ng kontrata sa GMA Network.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabi nina Sef, Jon at Brent na malaki ang pasasalamat nila sa mga oportunidad na ibinibigay sa kanila ng kanilang home network.
"Ang daming binigay na opportunities sa akin noong time na nangangarap ako. Through the years, natutupad at nabibigyan ako ng opportunity ng GMA," sabi ni Sef.
"Ang GMA Artist Center at ang GMA Network po ang talagang nagbigay sa akin ng pag-asa na meron pa po akong puwedeng ipakita or ibigay dito po sa ating industriya," sabi ni Jon.
"Maraming talents ko ang na-hone sa mga nagdaang taon from acting gigs, hosting gigs sa mga pagkanta, at marami pa pong iba na puwede ko pang mas mapagpabuti," ani Brent.
Bukod dito, proud din sila sa kanilang mga natutunan sa mga nakatrabaho nilang Kapuso stars.
"Natuto akong mag-ukelele dahil kay Kuya Bitoy. At 'yung ukelele na gamit ko, 'yun ang gift sa akin ni kuya noong natuto ako mag-ukelele. Sobrang tini-treasure ko 'yan," sabi ni Sef.
"Naka-work ko sina Sir Gabby and si Sanya [Lopez]. Talagang makikita mo kung bakit si Sir Gabby Concepcion nakarating dito sa kung nasaan man siya ngayon kasi nga nandoon 'yung pagmamahal niya sa trabaho," sabi ni Jon.
"Sa Artikulo 427 I found my kuyas. May mga mentors also, sina Benjamin Alves, Mark Herras, Kris Bernal, Rhian Ramos. Ang dami nilang shinare sa akin na mga ginawa nila sa mga career nila," ayon kay Brent.
Pinakokondisyon ngayon nina Jon at Brent ang kanilang mga katawan. Biking ang pinagkakaabalahan ni Jon habang lagi namang nagwo-workout si Brent.
Samantala, at home si Sef sa pagiging komedyante sa "Bubble Gang." — VBL, GMA News