Inilahad ni Kris Bernal ang dahilan kung bakit nagpipigil silang mag-kiss ng asawa na niya ngayong si Perry Choi bago ang kanilang kasal.

"Kasi ang tagal naming hindi... Hindi talaga kami nagki-kiss ni Perry kasi umuuwi kami sa kani-kaniyang bahay," paliwanag ni Kris sa "Mars Pa More."

"Tapos nagwo-work kami so hindi kami comfortable na mag-kiss," dagdag ni Kris.

Kaya para kay Kris, mas mahirap pang pigilan ang kaniyang pagsha-shopping kaysa makipag-kiss kay Perry.

"Shopaholic ako eh!... Mas gusto kong mag-shopping. Hahaha!" anang aktres.

Ikinasal sina Kris at Perry nitong Setyembre 25 matapos ang ilang beses na pagkakaudlot dahil sa COVID-19 pandemic. Ginanap ang pag-iisang dibdib nina Kris at Perry sa Magallanes Church sa Makati.

Apat na beses na raw naurong ang kasal nina Kris at Perry dahil sa pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Na-engaged si Kris nang mag-propose sa kaniya si Perry Pebrero noong nakaraang taon.

Nagplano siya noon ng birthday surprise para kay Perry, pero siya ang higit na nasorpresa nang biglang mag-propose ang binata.  — Jamil Santos/VBL, GMA News