Ikinuwento ni Super Tekla ang naging karanasan niya kamakailan sa isang convenience store nang harangin siya nang papalabas na sana matapos siyang mapagkamalang shoplifter.

Sa ulat ni Aubrey Carampel sa "24 Oras Weekend," sinabi ni Tekla na matapos niyang bayaran sa kahera ang biniling item ay lalabas na siya nang bigla siyang pigalan ng guwardiya.

"Palabas na ako ng pinto, at hinarang ako nung roving guard na girl, 'Sir may kinuha po kasing ano sir, 'yan lang po ba binili n'yo?' 'Yun ang approach niya sa akin," saad ng komedyante.

"So s'yempre na-shock ako. 'Bakit ano problema?' 'Sir may kinuha po kasi kayong item nakita ko sa CCTV,'" patuloy niya.

Kahit ayaw daw sana niya, pumayag si Tekla na makapkapan pero walang nakitang produkto sa kaniya.

Ang kahera na nakakilala sa kaniya ang nagtanggol sa kaniya.

Paliwanag ni Tekla, may bibilin sana siya produkto pero hindi niya kinuha. Posibleng inakala ng nakakita sa CCTV na may kinuha siya dahil inilagay niya ang kaniyang kamay sa bulsa.

Sinabi rin ni Tekla na roll-on ang inakalang kinuha niya.

"Ha? Ni maligo 'di ko kayang gawin deodorant pa kaya," biro ni Tekla.

"Sarap lang sanang haluan ko ng katatawanan 'yung time na 'yun. Pero deep inside nasaktan ako. Dun ko naramdaman 'yung 'Ouch, sad reality.' Masakit na nakakatawa," pag-amin ng komedyante.

Natatawa na langsi Tekla dahil hindi niya inakala na ang pagbibiro niya sa telebisyon na madalas na napagkakamalan siyang magnanakaw dahil sa hitsura niya ay magkakatotoo.

"Nagkatotoo. Sabi ko, para akong binalikan nung mga jokes ko," sabi ni Tekla, na hindi na inireklamo ang empleyado dahil ayaw niya itong mawalan ng trabaho.—FRJ, GMA News