Sa panayam sa kaniya sa Unang Hirit, hiningian si Angela Alarcon ng komento tungkol sa pagiging matinee idol ng kaniyang amang si Jestoni Alarcon, na tinitilian at pinagkakaguluhan ng fans.

"Grabe nakaka-inspire actually. Kasi bata pa lang ako, I was surrounded na nakikita ko may mga nagtitilian, ang daming fans, tapos lagi siyang pinagkakaguluhan," sabi ni Angela.

"Naging malaking inspiration siya kung saan man ako ngayon kasi sobrang nakatulong siya at naka-motivate siya sa passion ko when entering show business," dagdag pa niya.

Nagsilbi ring inspirasyon ni Angela ang kaniyang ina na isang modelo.

"Lalo pati mom ko rin, she's also a model. Kaya my parents are really a big inspiration to my passion right now," saad ng Kapuso actress.

Samantala, inihayag ni Angela na hindi na gaanong kastrikto sa kaniya si Jestoni ngayong dalaga na siya at tinatahak na rin ang karera sa showbiz.

"Actually nag-improve na, hindi na siya strict ngayon kasi nagma-mature na," ani Angela.

Kung dati, lagi raw tinatanong si Angela ng kaniyang ama tungkol sa kaniyang mga pinupuntahan.

Pero ngayong dalaga na siya, hinahayaan na siya nito.

"Unlike before na sobrang, kailangan puro text, 'Asan ka na?' ganiyan. Pero ngayon I think mas maluwag na siya sa akin, which I am thankful kasi alam niyang I'm growing up na and I'm doing my own thing," sabi ni Angela.

Dati na ring inihayag ni Angela noon na "mentor" din niya sa kaniyang showbiz career ang amang si Jestoni. —LBG, GMA News