Naging mabisyo noon, takaw-gulo, at nasangkot pa sa mga kontrobersiya si Baron Geisler. Ngayon, ibinahagi ng aktor kung paano niya ito nalampasan at sino ang mga nagsilbing daan para sa kaniyang pagbabagong-buhay.
Sa "Stories of Hope," ikinuwento ni Baron na nagsimula ang kaniyang pagiging rebelde dahil umano sa paraan ng pagdesiplina sa kaniya ng kaniyang ina at ang sa tingin niya ay manipulative personality nito.
Hindi rin umano natanggap ni Baron nang ipasok siya ng kaniyang ina sa isang state university, at pakiramdam niya ay na-"downgrade" siya. Dito na raw siya nagsimulang sumali sa fraternity at pag-iinom.
Sa edad na 16, nakabili na si Baron ng sariling sasakyan at sa edad na 21 ay nagkaroon na siya ng mansyon.
"You feel like the king. Lahat ng sabihin ko, nasusunod naman talaga," sabi ni Baron.
Inamin ni Baron na minaltrato niya noon ang kanilang mga kasambahay, mga driver at boy, bagay na pinagsisisihan niya ngayon.
"Habang nagpipinta ako, umiinom ako, smoke ako ng weed. 'Pag may nagkamali doon, suntok agad sa mukha," anang aktor. "Ang driver ko kapag nagkamali, sinusuntok ko rin at saka dinuduraan ko sa mukha. Feeling ko ako na, parang ako ang Diyos."
Sa karera niya bilang artista, may pagkakataong natanggal si Baron sa proyekto niyang indie film dahil sa hindi niya pagrespeto umano sa mga katrabaho.
"I take things for granted easily and then I self-destruct. Pero may pinanggagalingan 'yung self-destruct. Kasi may void sa puso ko, may pagkukulang so kino-compensate ko sa mga bagay-bagay. It could either be pambababae, it could be alcohol, drug, material things," paliwanag niya.
Ilang beses sumailalim si Baron sa rehabilitasyon, pero bumabalik din siya sa dating bisyo.
Pero sa ikapito niyang rehab, mas nakilala raw ni Baron ang sarili niya at hinarap lahat ng pangit at maling bagay na kaniyang nagawa sa mga tao.
"There is hope for everyone who are struggling like me with alcohol dependency or addiction," sabi ni Baron. "God is always there, His hand is always there."
Naging malaking instrumento sa pagbabago ni Baron ang asawa niyang si Jamie Evangelista, na nakilala niya sa rehab.
Kasal na sila ngayon at may isang anak na si Talitha Cumi, na ang ibig sabihin ay "Little girl, arise."
"Paano siya makikinig sa akin ngayon habang pinapalaki ko siya, kung patuloy siyang makakakita ng mga negatibo tungkol sa akin. A father needs to lead by example," sabi ni Baron.
"After ng rehab, na-realize ko na dapat hindi ko bini-blame 'yung family ko kasi they wanted what is best for me. Ngayon na tatay ako, ngayon ko nakikita lahat ng wisdom, lahat ng pagpoprotekta sa akin ng nanay at tatay ko ay para sa akin pala," sabi ni Baron.
Tunghayan ang buong kuwento ng pag-asa at pag-amin sa mga pagkakamali ni Baron sa kaniyang buhay sa video ng "Stories of Hope."
--FRJ, GMA News