Ang magandang karera sa pelikula at teatro ng aktor na si Soliman Cruz, biglang bumaligtad nang malulong siya sa ipinagbabawal na gamot. Paano nga ba niya ito nalampasan at nagawa niyang makabangong muli?
Sa "Stories of Hope," ikinuwento ni Soliman na dalawang dekada ang iginugol niya sa pelikula, at apat na dekada naman sa teatro.
"'Yung isang award, masaya ako na na-recognize 'yung performance ko, masaya rin 'yung nanay ko na pinapakita ko sa kaniya 'yung mga tropeo," sabi ni Soliman.
Gayunman, hindi nakaiwas si Soliman na sumubok ng ipinagbabawal na gamot.
"Dahil doon, naging impiyerno 'yung buhay ko tsaka hindi lang 'yung buhay ko kundi 'yung mga taong nasa paligid ko, naging impiyerno. Naisama ko [sila] sa impiyerno na tinahak ko," anang batikang aktor.
Dagdag pa ni Soliman, mayroong "drug culture" sa siyudad na nag-iimbita sa mga tao sa pagdodroga.
"Nu'ng nagustuhan ko, inulit-ulit ko. Tapos ayun pala, hinuhukay ko 'yung sarili ko sa papuntang impiyerno. Naging sakit na, napakatagal," ani Soliman.
Hanggang sa tumira na siya sa kalsada at sa malapit sa baywalk.
Pero dahil sa pagmamahal ng kaniyang pamilya, unti-unting nakabangon si Soliman. Kasama na rin ang tulong ng maraming rehabilitasyon.
Ayaw din ni Soliman na magkaroon ng galit ang kaniyang mga anak sa kaniya.
"'Yung galit na 'yon ang magpapalugmok sa aking pagkatao. Ang pagiging tatay, hindi biro pero masaya siya," aniya.
Ayaw na rin daw ni Soliman na maulit ang karanasan ng kaniyang ina, na isang single mother.
"'Yung pagbangon, kasi hindi ako binitawan eh. Kasi kung binitawan ako talagang hindi na ako makakabangon. Hindi ko sasabihin na ito'y gawa ng aking sarili, 'yung aking pagbangon kundi ito'y kagagawan ng mga taong naniniwala pa sa akin," sabi ni Soliman.
Sa kasalukuyan, apat na taon nang umiiwas si Soliman sa ipinagbabawal na gamot, at napili rin siya bilang bida sa isang pelikula sa Romania.
Tunghayan ang paglaban ni Soliman sa ipinagbabawal na gamot, at ang kaniyang mensahe sa mga lulong rito. Panoorin ang video.
--FRJ,GMA News