Inilahad ni Yasmien Kurdi ang kaniyang takot matapos siyang magkasakit habang nasa lock-in taping ng "Las Hermanas."
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabi ni Yasmien na nag-alala siya na baka COVID-19 ang dumapong sakit sa kaniya at naiisip niya na baka may mahawahan siya.
"Natakot kami, natakot actually 'yung buong production. Ako personally, kaya ako natakot kasi marami akong madadamay na tao if ever (COVID-19 nga)," sabi ni Yasmien.
Sa kaniyang vlog nitong Agosto, ikinuwento ni Yasmien na nagkaroon siya ng sipon, dry cough, pananakit ng ulo at LBM.
Dahil dito, nagdesisyon ang team ng "Las Hermanas" na sumailalim muna si Yasmien sa bed rest at RT-PCR test.
Nakaranas din si Yasmien ng lagnat na may 38.2 na temperatura.
Pero matapos mapaglabanan ang sakit, nakumpirma rin sa huli na negatibo si Yasmien sa COVID-19.
Kasama ni Yasmien sa lock-in taping sina Thea Tolentino at Faith da Silva, kung saan tunay na magkakapatid na ang kanilang naging turingan sa isa't isa.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News