Pinusuan ng libo-libong netizens sa social media ang fitspo look ngayon ni Alden Richards na makikita ang kaniyang toned muscles.
"Based kasi sa umeere ngayon, mas advanced 'yung mga nakukunan naming eksena, so this is a preparation for another transition, another transformation ng karakter ni Louie," sabi ni Alden sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.
"Masarap lang din sa feeling kasi actually hindi ko naman ito nakuha overnight, it's a conscious effort sa pagkain, sa pag-workout, maintaining a healthy lifestyle kahit may pandemic, kahit nasa bahay lang mahirap siya," dagdag ni Alden.
Pero higit pa sa pisikal ang pagbabago ng karakter ni Alden sa "The World Between Us" dahil hindi na puwedeng apihin si Louie ngayon.
"Mahirap siya pero mas in-enjoy ko 'yung presensya niya. So doon pa lang na-excite na ako kasi I've never done anything like this in my 10 years with GMA. This is the first soap na andaming transitions and there's change in personality, sa trait ng character, hitsura ng character," sabi ni Alden tungkol sa pag-shift niya ng role.
Naghahanda na rin sa mga susunod niyang proyekto si Alden, na lalong na-excite nang malamang tapos na ang bakasyon ng makaka-love team niyang si Bea Alonzo.
"Sa ngayon after the soap, tuloy-tuloy pa rin 'yung pelikula namin ni Bea. And ngayon na nakauwi na siya, so I'm very excited also. Medyo na-delay kasi nga ang daming nangyari, and one big factor is the pandemic, 'yung protocols, quarantines and ECQs, etc," anang Asia's Multimedia Star.
"Si Bea rin may mga ginagawang commitment right before the movie as well, baka mag-teleserye po muna ako while we're waiting. Yun nga nagbigay si movie and then 'yun na po 'yung gagawin ko right after The World Between Us," sabi ni Alden.--Jamil Santos/FRJ, GMA News