Makalipas ng 500 araw mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic, muling magkakasama sina Tito Sotto, Vic Sotto, at Joey de Leon sa studio ng "Eat Bulaga" para ipagdiwang ika-42 anibersaryo ng noontime show.

Ibinahagi sa Instagram account ng Eat Bulaga ang isang clip ng mga original na dabarkads habang naglalakad patungo sa spotlight.

"Welcome home TVJ!" saad sa caption.

 

 

Ibinahagi naman ng Eat Bulaga sa Facebook ang ilang larawan ng TVJ ng pagpunta nila sa APT Studios, kanilang backstage moment, at isang larawan sa stage.

"After 500 days, nakabalik na sila Tito, Vic and Joey sa APT Studios para makiparty sa mga Dabarkads!" saad ng Eat Bulaga sa caption.

Kita sa mukha ng tatlo na original na miyembro ng Eat Bulaga ang saya na makabalik sa studio ng programa.

Sinabi ni Joey na na-miss ang APT studio na 500 days niyang hindi napuntahan dahil sa pandemic.

Ayon naman kay Vic, marami silang health protocols na ipinatupad bilang pag-iingat sa COVID-19.

“Masaya ako nandito tayo uli sa studio. Muntik na nga hindi matuloy. Buti na lang, ang ECQ, sa August 6 pa,” sambit ni Vic, patungkol sa inanunsyo ng Palasyo kaninang umaga na isasailalim muli sa mas mahigit na enhanced community quarantine ang Metro Manila simula sa Agosto 6 hanggang 20, dahil na rin sa pagtaas muli ng COVID-19 cases sa rehiyon.

Ang Eat Bulaga ang nagsisilbing longest-running noontime show sa Pilipinas, na umere noong Hulyo 30, 1979.— FRJ, GMA News