Mananatiling Kapuso si Sanya Lopez matapos na pumirma muli ng kontrata sa GMA. Kabilang naman sa mga pinasalamatan niya ang namayapang si German "Kuya Germs" Moreno.
Sa panayam ng GMA News Online, ibinahagi ni Sanya ang mga natutunan niya sa ilang taon nang pagiging bahagi ng GMA Artist Center.
"Being with GMA siguro ang natutunan ko lang talaga is of course lagi kang magpasalamat sa lahat ng binibigay sayo," anang aktres.
"At kung ano man ang mangyari dapat mahabang mahaba ang pasensya mo talaga. Kasi hindi biro ang pagpasok sa ganitong trabaho," dagdag niya.
Natutunan din daw ni Sanya ang magpasalamat at magtiwala sa GMA.
"Lagi ka lang magpasalamat hindi ka bibiguin ng GMA and you have to trust them," ayon sa bida ng katatapos lang na Kapuso series na "First Yaya."
Pinasalamatan din ni Sanya ang lahat ng mga sumusuporta sa kaniya, kabilang na ang kaniyang pamilya, fans, GMA Artist Center, at Kapuso network.
Hindi rin kinalimutan ng aktres na pasalamatan ang namayapang si German "Kuya Germs" Moreno na una raw nagtiwala sa kaniya.
"Kay Tatay Kuya Germs na isa rin sa mga unang taong nagtiwala sa 'kin, sa mga managers ko, at sa GMA Artist Center at sa GMA Network," patuloy ni Sanya.
"Siya po talaga yung unang tao na naniwala sa akin na kaya mo at magagawa mo 'yan. Kaya hinding-hindi ko makakalimutan si Tatay," patungkol niya kay Kuya Germs.
Dumalo sa virtual signing ceremony sina GMA Executive Vice President and CFO Felipe S. Yalong, GMA Films, Inc. President and Programming Consultant to the Chairman and CEO Atty. Annette Gozon-Valdes, Senior Vice President for GMA Entertainment Group Lilybeth G. Rasonable, First Vice President for Business Development Department Darling De Jesus-Bodegon, First Vice President and Head of Regional TV and Synergy Oliver B. Amoroso, First Vice President For Drama Productions Redgie A. Magno, Vice President for Corporate Affairs and Communications Angel Javier Cruz, Senior Assistant Vice President for Alternative Productions Gigi Santiago-Lara, Senior Assistant Vice President for Drama Cheryl Ching-Sy, GMA Artist Center Assistant Vice President and Head for Talent Imaging and Marketing Unit Simoun Ferrer, GMA Artist Center Consultant Johnny Manahan, GMA Artist Center Senior Talent Manager Tracy Garcia, at ang co-manager ni Sanya na si Frank Mallari.
– FRJ, GMA News