Hindi napigilan ni Kelvin Miranda na ma-starstruck at kabahan matapos niyang maka-eksena ang beteranong aktor na si Albert Martinez, kung saan gaganap sila bilang mag-ama sa isang special episode ng "Wish Ko Lang."

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing aasahan sa episode na pagbibidahan nina Albert at Kelvin sa darating na Sabado.

Ito ang unang pagsasama ng dalawa sa isang proyekto.

"With Kelvin it was so easy, ang dali niyang naapektuhan, ang dali niyang nag in-character and 'yung mga scenes namin together are very powerful," sabi ni Albert.

"Noong unang-unang eksena po namin nanginginig po ako talaga tito (Albert), kasi na-starstruck ako kasi nga isa kayo sir, totoo 'yun, isa kayo sa mga gusto kong makatrabaho sa industriya. And natupad siya so sobrang na-overwhelm ako," ayon naman kay Kelvin.

Pinuri rin ni Albert ang iba pa niyang co-stars sa episode, tulad nina Luke Conde, Crystal Paras at Cai Cortez.

Si Kelvin din ang siyang kumanta ng original episode theme song na may pamagat na "Maniwala Ka Lang."

Magsasama-sama naman sina Kris Bernal, Katrina Halili at Martin del Rosario sa episode ng Magpakailanman nito ring darating na Sabado.--Jamil Santos/FRJ, GMA News