Sinagot ni Kylie Padilla ang tanong ng isang netizen kung siya ang may "third party" kaya nagkahiwalay sila ng asawang si Aljur Abrenica.

Sa ulat ng Pep.ph, nilinaw ni Kylie na magkaibigan lang sila ng aktor na si JM de Guzman, na iniintrigang kabilang sa mga nanliligaw sa kaniya.

Ang paglilinaw ay ginawa ng aktres bilang tugon sa isang follower niya sa Instagram na nagkomento sa isa niyang post.

“Totoo po ba na kaya mo iniwan si Aljur dahil high maintenance ka po at 'di afford ni Aljur luho mo? Tapos po maraming mayayaman ang nanliligaw sa 'yo, pati mga artista at isa doon si [JM de Guzman]? 'Yon po kasi ang sabi ni Xian Gaza, e. Salamat po,” tanong ng follower ng aktres.

"Magkaibigan lang kami ni JM. This is not true," sabi ni Kylie.

Nitong Biyernes, hindi na makikita ang naturang komento.

Una rito, kinumpirma ni Robin Padilla na hiwalay na ang kaniyang anak na si Kylie kay Aljur.

Naniniwala si Robin na may third party na sangkot sa hiwalayan ng dalawa pero nararamdaman naman daw ng aktor na nagmamahalan pa rin ang mag-asawa.

Nananatili namang tahimik sina Kylie at Aljur tungkol sa anong dahilan ng kanilang hiwalayan. Gayunman, magtuwang nilang itinataguyod ang dalawa nilang anak na sina Alas at Axl.

Kamakailan lang, nilinaw din ni Cindy Miranda na hindi siya sangkot sa paghihiwalay ng mag-asawa, bagaman siya ang leading man ni Aljur sa bago nitong pelikula.

Sa isang IG post ni Kylie, ipinahiwatig ng aktres na walang dapat sisihin sa pangyayari at nananatili siyang matatag sa pinagdadaang pagsubok sa buhay.--FRJ, GMA News