Nakarating na sa Amerika si Bea Alonzo para magbakasyon bago sumabak sa gagawing mga proyekto bilang isang Kapuso.

Sa kaniyang Instagram stories nitong Miyerkules, ibinahagi ni Bea ang larawan na tanaw ang Los Angeles, California.

Nitong Huwebes, nag-post naman si Bea ng larawan ng kaniyang kinaroroonan at pagkain sa Guerilla Tacos, isang restaurant sa Los Angeles.

Kasabay nito, nag-post din sa Instagram stories ang napapaulat na nobyo niyang si Dominic Roque ng kaniyang pagkain na naka-tagged ang Guerilla Tacos.

Sa ulat ng PEP.ph, sinabing nag-share din ang aktor ng video habang nasa labas ito ng airport sa Los Angeles noong Miyerkules.

Sa nakaraang panayam sa GMA News Online, inihayag ni Bea na plano niyang magpunta sa Amerika para mag-"re-energize" bago sumabak muli sa trabaho.

Naging opisyal na Kapuso si Bea noong nakaraang linggo.

Kabilang pa sa mga bagong Kapuso ay sina Beauty Gonzales at Pokwang.  —FRJ, GMA News