Matapos ang ilang buwan na espekulasyon, kinumpirma ni Robin Padilla na hiwalay na ang kaniyang anak na si Kylie sa mister nitong si Aljur Abrenica.
Inihayag ito ni Robin sa panayam ng celebrity vlogger na si Ogie Diaz.
Ayon kay Robin, tinatanong niya noon ang anak kaugnay sa kalagayan nito at sinasabing, "Okay lang ako, Pa."
Pero nag-iba na raw sagot ng kaniyang anak nang tanungin niya ulit kamakailan.
"Ito, noong tinanong ko siya ulit, 'Anak, agrabyado ka ba?' 'Hindi, Pa, ako ang nakipaghiwalay," anang aktor.
Nang tanungin si Robin kung posible bang may "third party" sa hiwalayan, sinabi ng aktor na hindi imposible.
Nauunawaan daw niya ang sitwasyon dahil ginawa rin niya ito noon.
"Lalaki ako. Kaya lang, hindi na uso ang mga martir ngayon," saad niya.
Pinapaunawa raw ni Robin ang sitwasyon sa kaniyang anak pero hindi na raw kaya ni Kylie.
Sa kabila ng pangyayari, naniniwala si Robin na may pagmamahalan pa rin sa dalawa at umaasa siyang magkakaayos ang mga ito para sa kapakanan ng kanilang dalawang anak.
Taong 2018 nang magpakasal sina Kylie at Aljur, nagbunga ng kanilang pagmamahalan ng dalawang anak na lalaki na sina Axl Romeo at Alas Joaquin.
Nagsimulang paghinalaan na may pinagdadaanan ang relasyon ng mag-asawa noong Pebrero dahil sa post sa Instagram.—FRJ, GMA News