Inabsuwelto ng Sandiganbayan si Senador Bong Revilla sa 16 counts of graft kaugnay sa P10-billion Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel scam. Ang actor-politician, tuloy daw sa pagsisilbi sa bayan.
Sa resolusyon na inilabas nitong Hulyo 1, pinagbigyan ng Special First Division ng anti-graft court, ang hiling na "demurrer to evidence" na inihain ni Revilla dahil sa kakulangan ng katibayan laban sa kaniya.
Gayunman, ibinasura ng korte ang katulad na hiling ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.
Ibinasura din ang korte ang kaso sa kapwa akusado at dating empleyado ni Revilla na si Richard Cambe, na pumanaw noong Abril.
Una rito, kinasuhan si Revilla sa Sandiganbayan dahil sa umano'y paglalagay ng kaniyang pondo sa umano'y pekeng non-government organizations (NGOs) na konektado kay Napoles, at kumuha ng kickback.
Paliwanag ng Sandiganbayan, ang sulat na galing sa tanggapan ni Revilla na nag-e-endorso sa NGOs ni Napoles ay, “merely recommendatory” at “[did] not command nor compel the implementing agencies to whom these are addressed to award the project to the recommended NGO.”
Idinagdag ng korte na nabigo ang prosekusyon na patunayan na wala nang ibang pinagkukunan ng kabuhayan si Revilla at asawa nitong si Bacoor Mayor Lani Mercado, para patunayan ang alegasyon ng hindi maipaliwanag na kayamanan ng pamilya.
“The glaring absence of evidence proving that accused Revilla directly received the proceeds from the PDAF projects or any money from accused Napoles that motivated him to give her and her NGOs unwarranted advantage to the detriment of the government, cannot be ignored by this Court,” paliwanag ng Sandiganbayan.
“The continued lack of evidence that would prove beyond reasonable doubt accused Revilla's involvement in these PDAF transactions leads to a conclusion not different from that reached in the plunder case,” dagdag pa sa desisyon.
Nauna nang inabsuwelto ng Sandiganbayan si Revilla sa kasong plunder kaugnay sa kaparehong kaso noong 2018.
'The truth has come out'
Kasunod ng desisyon ng Sandiganbayan, sinabi ni Revilla na lumabas na ang katotohanan at magpapatuloy siya sa pagsisilbi sa bayan.
"I faced everything head on. Sa kabila ng pagwasak sa aking pangalan at pagkatao, hinarap kong lahat ng buong-buo dahil alam kong hindi mababago ang katotohanang ako ay naging biktima lamang ng masamang pulitika," sabi Revilla sa Facebook post.
"The truth has come out. Now, I can move forward to serving our nation and our people even further, free of this nuisance," patuloy niya.
Iginiit ni Revilla na kailanman ay hindi siya nasangkot sa katiwalian.
"I am not, and never have been involved in graft and corruption. This is the reason why I did not run; I did not hide; and did not evade the judicial system. I put my trust and my life in our Courts," anang senador.
Napapanood si Revilla sa GMA weekly series na "Agimat ng Agila."— FRJ, GMA News