Hindi napigilan ni Jennica Garcia na mapaluha nang ikuwento ang mga dagok na dumating sa kaniyang buhay ngayong taon, kasabay ng pag-aming nakaapekto ito sa kaniyang mental health.
Sa Chika Minute Exclusives ni Aubrey Carampel, inilahad ni Jennica na nagsimula ito noong Marso nang magkalabuan sila ng kaniyang asawa na si Alwyn Uytingco.
Sa kaparehong buwan, pumanaw naman ang kaniyang lola dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) at ang masaklap, nakuha rin ito ng kanilang pamilya nito namang Abril, kabilang si Jennica.
Nito namang Mayo, pumanaw din ang pinakamalapit niyang kaibigan sa isang non-profit organization kung saan siya nagbo-volunteer.
"'Yung mental state ko, hindi po talaga siya okay na," sabi ni Jennica. "I'm about to really lose it in the head."
Dahil dito, kumonsulta na si Jennica ng isang propesyunal tungkol sa kaniyang pinagdadaanan.
"I make sure that I meet my doctor weekly, my psychologist. Noong una medyo nahihiya ako to share this," sabi niya.
Napupukaw naman ang puso ni Jennica sa tuwing nakatatanggap siya ng mga mensahe mula sa fans na nagsasabing pinagdadaanan din nila ang kaniyang pinagdadaanan.
"They're wondering how I am so strong. Hindi kasi ako nakaka-reply. So itong mga ganitong moments, gusto ko siyang i-take as my chance to say that I'm not strong," paglalahad ng aktres.
"I even question God. I am a Christian, but still, that's the time wherein I question the Lord. Kasi feeling ko minsan si Lord, 'Lord baka parang ang taas yata ng tingin Mo sa akin.' Medyo akala mo yata talagang anchored na anchored," sabi ni Jennica.
Dito, hindi na napigilan ni Jennica na maiyak at huminto muna saglit.
"I just want to say that I'm not strong because sometimes I think people think that I am. And in whatever state they are in right now, it's okay," sabi niya.
Ayon kay Jennica, ayaw niyang magbahagi ng mga negatibo dahil marami nang masasamang balita.
Kinumpirma ni Jennica ang paghihiwalay nila ni Alwyn nitong Mayo. Ikinasal sila noong 2014.
Nag-a-adjust siya sa kaniyang "new normal" bilang solong magulang sa dalawa niyang anak.
Bibida si Jennica sa Kapuso series na "Las Hermanas," ang kaniyang full-length project matapos ikasal at magkaroon ng pamilya.
--FRJ, GMA News
Kung kailangan o may kakilala na nangangailangan ng kausap, maaaring tumawag sa Hopeline, ang 24/7 suicide prevention hotline, sa telepono bilang (02) 804-4673; 0917-5584673.