Masaya si LJ Reyes sa pag-renew niya ng kontrata bilang Kapuso at sa muli niyang pagbabalik sa pag-aaral sa pamamagitan ng online classes.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nag-renew ng kontrata ang aktres sa GMA Network at GMA Artist Center.
Nagpasalamat si LJ sa tiwalang muling ibinigay sa kaniya ng network simula pa noong sumali siya sa StarStruck Season 2.
"I am very grateful for everything that GMA has done for me, for being the venue for me to be able to explore this industry," sabi ni LJ.
Bukod sa pagbabalik sa pag-aaral, masaya din siyang nakakapag-work from home siya kasama ang mga anak na sina Aki at Summer, na meron nang mga endorsements.
Nagpapasalamat din sila ng kaniyang partner na si Paolo Contis na sunod-sunod pa rin ang kanilang trabaho kahit na mayroong pandemya.
"Kailangan pinagpaplanuhan namin 'yung schedule, at naging napakahirap, kasi blessed kami talaga na madami talagang pumapasok na work even though pandemic. We are still blseesed and very thankful talaga," sabi ni LJ.
Nag-renew din ng kontrata sa Kapuso Network si Kristoffer Martin, pati na rin ng management contract sa GMA Artist Center.
Nataon pa ang kaniyang pagpirma sa muling pagpapalabas ng kaniyang pinaka-unang drama series sa GMA-7 na "Endless Love."
Nagbukas ito ng maraming oportunidad sa kaniya sa pagiging aktor.
"Sobrang thankful ako of course sa GMA dahil sa support na ibinigay nila, doon sa Endless Love, doon talaga nag-start ang lahat. Hanggang ngayon nandito pa rin ako," sabi ni Kristoffer.
Excited si Kristoffer sa mga proyektong kaniya pang gagawin, kabilang na ang "Pepito Manaloto: Ang Unang Kuwento" kung saan susubukan niya ang comedy genre.
"Nae-excite ako kasi bini-break niya 'yung dire-diretso ko kasing drama na mga soaps. 'Yung tiwala kasi na binibigay nila, tsaka happy ako sa mga projects na nagagawa ko. Ramdam mo 'yung tiwala ng network sa akin," anang aktor.--Jamil Santos/FRJ, GMA News