Nagdadalamhati ang showbiz industry sa pagpanaw ni dating Pangulong Noynoy Aquino, na isa sa mga pangulong naging malapit din sa mga artista at mga mang-aawit.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing maaaring naging daan kaya mapalapit sa mga celebrity si Aquino dahil sa pagiging artista rin ng bunso niyang kapatid na Kris Aquino.

Kabilang sa mga nakiramay ang celebrity stylist na si Liz Uy na dating romantikong naugnay noon sa dating pangulo.

Nakasalamuha rin ni Noynoy ang veteran OPM artists tulad nina Jim Paredes, Leah Navarro at Gary Valenciano.

Naging abay naman si Aquino sa kasal nina Dingdong Dantes at Marian Rivera.

Itinalaga ni Aquino si Dingdong bilang commissioner at large sa National Youth Commission (NYC).

Sa Instagram ni Dingdong, binalikan niya ang mga proyekto nila ng dating pangulo kabilang na ang pagkatawan nito sa #NowPH movement presentation sa 2015 Paris Climate Change Conference.

Dahil kay Aquino ay taun-taon nang ginugunita ang “National Day for Youth in Climate Action” tuwing Nov. 25 sa pamamagitan ng Presidential Proclamation No. 1160.

Naging malapit din si Christian Bautista sa dating pangulo.

"I am praying for the family, I wish them comfort and peace that our former president is in a better place. I pray also that during this time we may be united in honoring his legacy and memory as well, and that we may always remember the good also that he has done for all of us," sabi ni Christian.

Naging bahagi si Christian ng inauguration sa pagkapangulo ni Aquino noong Oktubre 2011.

"After the program, when every one was going home, he went to me and said, 'Is it okay if you guys stay a little bit more?' 'Ah bakit po?' Kung puwedeng magkantahan daw kaming lahat, for jamming lang," kuwento ni Christian sa mga hindi niya malilimutang sandali tungkol kay PNoy.

Kalaunan, nakikanta na rin noon sa kanila ang pangulo.

Pumanaw kaninang umaga sa edad na 61 si Aquino dahil sa  renal disease secondary to diabetes.--Jamil Santos/FRJ, GMA News