Bakas ang lungkot kay Willie Revillame sa "Wowowin-Tutok To Win" nitong Lunes nang mabanggit niya ang pagpanaw ng mga stand-up comedian na nakasama niya sa trabaho na sina Le Chazz at Kim Idol.
Pumanaw si Le Chazz nitong Sabado.
Noong nakaraang Pebrero, naging bisita pa sa programa ang komedyante.
Nabanggit din ni Kuya Wil si Kim Idol na pumanaw naman noong Hulyo 2020 dahil sa COVID-19.
Pinapurihan pa ng TV host si Kim dahil pumanaw ito na isang frontliner dahil kasama siya sa mga nag-aasikaso sa mga taong nasa quarantine facility.
Inilarawan ni Kuya Wil sina Le Chazz at Kim Idol na mababait at nagsisikap para sa pamilya.
"Nakakalungkot. Nami-miss ko itong mga ‘to. Naging parte ho sila ng programang ito at ng entabladong ito noong marami pang tao na nanonood. Wala pang COVID, nandito sila," sabi ng tv host.
"Kapag kumakain ako, kasama ko sila, sobrang saya, nagkatatawanan," dagdag pa niya.
Sinabi ni Kuya Wil na madali umanong yayain ang dalawa kapag kailangan niyang magtanghal sa lalawigan.
May sulat pa raw si Le Chazz na ginawa para sa kaniya na ipapakita niya sa planong tribute na gagawin nila sa programa sa Biyernes.
"Sumulat sa akin si Le Chazz, meron ho siya sa aking sulat. Ipapakita ko sa Friday, personal niyang sulat," ani Kuya Wil.
Inihayag din ni Kuya na tutulungan niya ang mga naiwan nina Le Chazz at Kim Idol. --FRJ, GMA News