Pumanaw sa edad na 64 dahil sa komplikasyon sa COVID-19 si Toto Natividad, na batikang direktor ng action movies at kasalukuyang barangay chairman sa Navotas.
Ang malungkot na balita ay ibinahagi ng kaniyang anak na si John Isaac sa Facebook post nitong Martes.
"It is with our deepest sorrow that we announce the passing of our beloved father, Direk Federico ‘Toto’ S. Natividad Jr, Direk Toto Natividad this morning due to complications brought about by Covid-19," ayon kay John.
Napag-alaman na kasalukuyang punong-barangay ng North Bay Boulevard South NBBS-Kaunlaran sa Navotas City ang nakatatandang Natividad.
Nag-post din sa Facebook si Navotas Mayor Toby Tiangco upang ipaalam ang nangyari kay Natividad, at nagpaabot ng pakikiramay sa naulilang pamilya nito.
"Kahit na senior citizen na at bahagi ng bulnerableng sektor na may mas mataas na tyansang mahawa ng COVID-19, hindi nagpapigil si Kap. Toto sa pangunguna sa pag-asikaso at pangangalaga sa kanyang mga kabarangay," anang alkalde.
"Palagi ang kaniyang paalala sa kaniyang nasasakupan, mapa-personal o sa social media, na mag-ingat para makaiwas sa sakit," sabi pa ni Tiangco.
Bukod sa mga action film na ginawa ni direk Toto, naging direktor din siya ng ilang tv series kabilang na ang "Cain at Abel" na pinagbidahan nina Dingdong Dantes at Dennis Trillo. --FRJ, GMA News