Negatibo ang resulta ng COVID-19 test na isinagawa sa Kapuso na si Kelley Day,  ayon sa Miss Eco International.

Sa ulat ng PEP.ph, ibinahagi ng pageant organization nitong Miyerkoles sa Instagram stories ang resulta ng COVID-19 test kay Kelly na itinanghal na Miss Eco International first runner-up.

Pero kahit negatibo sa COVID-19, mananatili pa rin muna si Kelly sa Egypt dahil sa ipinatutupad na travel restriction ng Pilipinas bunga ng mataas na kaso ng hawahan ng virus.

Ipinakita sa post ang larawan ng negative result ng RT-PCR test ni Kelly.

Kinatawan ni Kelley ang Pilipina sa Miss Eco International beauty pageant na ginanap sa Egypt noong Abril 5 (Philippine time).

Nang idaos ang patimpalak, may mga lumabas na hinala na mayroon ilang kandidata sa Miss Eco International ang nagkasakit at tinamaan ng virus.

Una rito, tiniyak ng Miss World Philippines na masusi silang nakikipagtulungan sa organizer ng Miss Eco International para tiyakin ang kaligtasan at kalusugan ng mga kandidata.– FRJ, GMA News