Nakilala bilang isa sa stars ng youth-oriented show na T.G.I.S. noong '90s, hindi ipinaalam ni Red Sternberg sa kaniyang mga anak na isa siyang sikat na aktor sa Pilipinas, kaya nagulat ang mga ito nang mapanood siya sa kaniyang pelikula.

Sa online talk show na "Just In," inilahad ni Red na nasa Florida, U.S.A. siya ngayon kasama ang kaniyang pamilya.

Dalawang babaeng mga edad 13 at 10, at isang lalaking isang taong gulang ang mga anak ni Red at asawa niyang si Sandy, na isinilang sa iba't ibang states sa Amerika dahil sa kaniyang trabaho bilang General Manager sa hotel industry.

Natanong ng host na si Vaness del Moral kung alam ng mga anak ni Red na isa siyang kilalang aktor sa bansa.

"Now they do!" sagot ni Red. "It's funny kasi, I never talk about it kasi. And I do not have copies of anything that I have made... I don't watch anything that I'm in."

Gayunman, nagkaroon na ng hint ang kaniyang mga anak na isa siyang artista sa isang reunion noon ng cast ng T.G.I.S.

"Binanggit ni Direk Dom (Zapata) noong nakausap na niya 'yung bata, 'Did you know that your father was a very famous actor here before?'" kuwento ni Red.

At dahil na-curious ang kaniyang mga anak, nanood si Red ng kaniyang mga pelikula kasama ang mga anak.

"They saw my name and 'Daddy! Your name is on the movie!'... Of course they didn't understand kasi they don't speak Tagalog. But they were just amazed na I was in one [movie], kasi I never talk about it."

Maliban dito, naging aktibo rin noon si Red sa mga interview sa Pilipinas.

"They are starting to realize, lalo na 'yung my younger daughter. She's the one who asks questions. Actually one time lumapit sa akin tapos lumapit sa asawa ko sabi niya 'I think I want to be an actress,'" sabi ni Red.

Dahil dito, natanong ni Vaness si Red kung papayagan niya rin bang mag-showbiz ang kaniyang mga anak.

"No! Bawal! School muna," paglalahad ni Red na kundisyon sa kaniyang anak.

Gayunman, payag si Red na mag-acting workshop ang kaniyang anak, pero gusto niyang matuto ito sa acting school.

"Noong binanggit niya na gusto niyang turuan ko siya, sabi ko it's something that I can't do kasi hindi naman siya one on one training. Acting workshops [are] a group. I said 'If you really want to learn, let's look for an acting school for you if you want to learn. I have no problem with that. Kasi kung talagang hilig niya, do it the right way." —LBG, GMA News