Ikinuwento ni Victor Anastacio kung paano siya nagsimula sa pagiging isang stand-up comedian, hanggang sa makapasok siya sa showbiz.

"I think gaya ng sa maraming tao, nag-i-start 'yan sa family. Sa bahay ako 'yung comic relief kapag may Christmas party, ako 'yung nagho-host ng opening of gifts," sabi ni Victor sa Kapuso Showbiz News.

"Medyo KSP," birong paglalarawan ni Victor sa kaniyang sarili.

Bukod dito, nagbibigay-saya rin si Victor sa kaniyang mga kaklase at mga guro.

"Doon ko naisip na, 'Ah masaya pala magpatawa ng ibang tao.' So nagustuhan ko 'yung comedy mula noon," patuloy niya.

Kaya kahit nasa kolehiyo pa lang, nagsimula na sa stand-up comedy si Victor, maging sa mga bar na puro mga adult ang customer.

Nadala rin ni Victor ang kaniyang pagiging komedyante para makapasok sa pagiging host ng isang home shopping.

Sumali rin si Victor sa writing workshop ng batikang screenwriter na si Ricky Lee, hanggang sa kinuha siya ng isang direktor mula sa Regal Films.

Mula rito, nakasama si Victor sa pelikula nina Janine Gutierrez at Enchong Dee na "Elise."

Nagkataon namang napanood si Victor ng isang manager mula sa GMA Artist Center, at dito na nagsimula ang kaniyang career sa Kapuso Network.--FRJ, GMA News